
ni FlowerPower999
Hindi Lang Halaman ang Ating Ipinaglalaban
Sa darating na Hulyo 27, muling babaha ang protesta ng iba’t ibang sektor sa lansangan upang singilin ang pamahalaan sa lumalalang krisis na kinakaharap ng bansa. Habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng pagkain, langis, at iba pang batayang pangangailangan, lumalala ang korupsiyon, pagkasira ng kalikasan, pag-atake sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, at ang patuloy na panghihimasok ng dayuhang interes sa ating soberanya. Sa gitna ng lahat ng ito, madalas maisantabi ngunit matagal nang ipinaglalaban ang adbokasiya ng isang lumalaking komunidad: ang laban para sa makatao, siyentipiko, at makatarungang pagtingin sa halamang kanabis.
Taon-taon, kasabay ng People’s March, lumalahok ang mga cannabis advocates upang ipanawagan ang ligtas na akses, ang pagwawakas sa kriminalisasyon ng mga pasyente, at ang pagyakap sa harm reduction bilang mas makataong tugon sa usapin ng kalusugan. Hindi ito simpleng panawagan para sa legalisasyon. Panawagan ito para sa dignidad, karapatang pangkalusugan, at isang lipunang inuuna ang pag-aaruga kaysa pagpaparusa.
Lumalala ang Krisis sa Mental Health, Ngunit Nananatiling Limitado ang Akses sa Pangangalaga
Ayon sa World Health Organization (WHO) at sa mga ulat mismo ng Department of Health (DOH), patuloy ang nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nakararanas ng depresyon, anxiety, post-traumatic stress disorder (PTSD), at iba pang kondisyon sa mental health—kung saan tinatayang higit 3.6 milyong Pilipino ang mayroong mental health disorders. Lalong pinalala ito ng ekonomikong krisis, kawalan ng tiyak na trabaho, at ang kakulangan ng psychiatrist sa bansa (na nasa 1 psychiatrist lamang ang mayroon sa bawat 100,000 katao).
Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, nagsisimula nang kilalanin ang papel ng kanabis bilang bahagi ng mas malawak na usapin ng public health at mental well-being. Ang mga cannabinoids tulad ng CBD (cannabidiol) at THC (tetrahydrocannabinol) ay patuloy na kinukumpirma ng mga clinical trials bilang mabisang tulong sa pagkontrol ng anxiety, PTSD, chronic pain, epilepsy, at chemotherapy-induced nausea. Hindi ito itinuturing na “milagrosong lunas,” kundi isa sa mga validated na opsyon sa ilalim ng gabay ng siyensiya at mga lisensiyadong duktor. Sa halip na ituring ang lahat ng gumagamit bilang kriminal, mas pinipili ng maraming bansa ang edukasyon, harm reduction, at maayos na regulasyon sa kanilang populasyon.
Hindi Kriminal ang Halaman, Hindi Kriminal ang Pasyente
Sa Pilipinas, nananatiling umiiral ang luma at punitibong Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), kung saan ang kanabis ay kabilang pa rin sa Schedule 1 controlled substances. Sa ilalim ng archaic na sistemang ito, maraming pasyente, caregiver, at ordinaryong mamamayan ang nahaharap sa takot, stigma, at posibilidad ng pagkakakulong dahil lamang sa paghahanap ng alternatibong lunas para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Samantala, dumarami ang mga bansang nagde-decriminalize o nagtatatag ng mahigpit ngunit makataong medical cannabis programs. Mula sa UN Commission on Narcotic Drugs noong 2020 na nagtanggal sa kanabis sa pinakamahigpit na Schedule IV drug classification, hanggang sa pagpapasa ng mga legal na balangkas sa Europa, Canada, Australia, at Estados Unidos, ang usapin ay unti-unting inililipat mula sa larangan ng kriminalidad tungo sa pampublikong kalusugan.
Sa Pilipinas, ang makasaysayang pagpasa sa House Bill No. 10439 (Access to Medical Cannabis Act) noong Hulyo 2024, kaugnay ng mga probisyon sa Senate Bill No. 2573 (Cannabis Medical Access Act), ay malinaw na patunay na kinukumpirma na ng mismong lehislasyon ang karapatan ng mamamayan sa medikal na akses. Isinusulong din nito ang pagtatatag ng Medical Cannabis Office (MCO) sa ilalim ng DOH upang pangasiwaan ang regulasyon, pananaliksik, at ligtas na reseta sa pamamagitan ng mga accredited na duktor at dispensaryo.
Gayunman, kailangan natin ng patuloy at mas matinding presyur mula sa mamamayan sa lansangan upang matiyak na ang batas ay tuluyang mapasa at mapatibay, manatiling pro-pasyente, at hindi haharangin ng mga konserbatibong dogma o burukratikong interes.
Isang Pambansang Potensiyal na Hindi Dapat Sayangin
Bilang isang bansang agrikultural at tropikal, may likas na kakayahan ang Pilipinas na maging mahalagang sentro ng pananaliksik at produksiyon ng medical cannabis sa Timog-Silangang Asya. Nakasaad sa HB No. 10439, ang pagkilala sa kapangyarihan ng estado na magkaloob ng lisensya para sa importasyon, kultibasyon, manupaktura, at research and development ng kanabis, pati na ang pagsasama ng kurso ukol dito sa kurikulum ng mga kolehiyo sa agrikultura at medisina sa ilalim ng CHED.
Ang karanasan ng Thailand—na kauna-unahang bansa sa Asya na nag-legalize ng kanabis para sa medikal at industriyal na gamit—ay nagpapakita kung paano maaaring magbunga ang cannabis research ng bilyun-bilyong baht sa lokal na ekonomiya, habang sumusuporta sa akademya, mga lokal na magsasaka, at libo-libong pasyente. Hindi lamang usapin ng ekonomiya ang nakataya rito. Usapin din ito ng pambansang inobasyon, soberanya sa gamot, at pagbibigay ng bagong oportunidad sa mga magsasakang matagal nang napapabayaan. Kung maisusulong nang may malinaw na regulasyon at pampublikong pananagutan, ang pagtatanim at pagproseso ng kanabis ay maaaring maging bahagi ng mas malawak na programa para sa rural development, sa halip na ipaubaya lamang sa monopolyo ng malalaking kumpanyang pharmaceutical at dayuhang korporasyon.
Walang Tunay na Hustisya Habang May Ikinukulong Dahil sa Halaman
Sa pag-usad ng mga imbestigasyon sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong “drug war” ng nagdaang rehimeng Duterte, lalong lumalakas ang panawagan para sa tunay na hustisya. Libo-libong pamilya—kalakhan ay mula sa mahihirap na komunidad—ang naghahanap pa rin ng pananagutan para sa mga buhay na kinitil dahil sa isang marahas na kampanyang pinuntirya ang maliliit na tao at hindi ang malalaking sindikato.
Kasama sa panawagan ng cannabis movement ang pagbibigay-hustisya sa lahat ng biktima ng marahas na kampanya kontra-droga, gayundin ang muling pagtingin sa kalagayan hanggang sa pagpapalaya sa mga taong patuloy na nakakulong dahil lamang sa simpleng paggamit ng kanabis. Hindi maituturing na makatarungan ang isang sistemang inuuna ang pagpaparusa kaysa pagkalinga, at ang takot kaysa pag-unawa.
Hindi Malaya ang Halaman, Kung Hindi Malaya ang Lipunan
Ang laban para sa kanabis ay hindi hiwalay sa mas malawak na laban para sa ganap na pambansang demokrasya. Hindi maaaring pag-usapan ang karapatan sa kalusugan habang tumataas ang presyo ng pagkain na sanhi ng kagutuman. Hindi maaaring pag-usapan ang medikal na akses habang pinababayaan at pinapatay ang pampublikong sistemang pangkalusugan sa pamamagitan ng budget cuts at korupsiyon.
Hindi maaaring pag-usapan ang pananaliksik habang patuloy na pinapaslang at nire-red-tag ang mga peasant advocates, agri-researchers, at mga magsasakang nagtatanggol sa kanilang lupa. Paano yayabong ang kanabis—o anumang klaseng pananim—kung ang ating mga kabundukan ay winawasak ng mapanirang pagmimina, at ang ating mga palayan at lupang agrikultural ay malawakang inililipat ang gamit upang ipaubaya sa malalaking subdibisyon at dayuhang interes na magtayo ng mga AI data center at military hubs?
Walang halamang kanabis ang tumubo sa vacuum. Tumutubo ito sa lupa. At ang lupang ito ay siya ring kinakamkam at pinagsasamantalahan ng iilan sa kabila ng pagtatanggol ng ating mamamayan. Kaya hindi sapat na palayain lamang ang halaman kung nananatiling nakakulong ang kamalayan at kalayaan ng lipunang dapat sana’y nag-aaruga sa tao, sa kalikasan, at sa ating kinabukasan.
Sumama sa Martsa para sa Tunay na Paglaya!
Ang People’s March ngayong SONA 2026 ay ang pinakamainam na pagkakataon upang ipakita na magkakaugnay ang laban para sa kalusugan, karapatang pantao, hustisya, kalikasan, at pambansang soberanya. Sa bawat hakbang sa lansangan, ipinapaalala nating ang tunay na pagbabago ay hindi nagsisimula sa panghuhusga at karahasan, kundi sa pagkilala sa dignidad at karapatan ng tao.
Kaya ngayong Hulyo 27, sumama sa martsa! Ang pagtitipon ay gaganapin sa Commission on Human Rights of the Philippines, U.P. Diliman, Quezon City, alas-9:00 ng umaga. Iparating sa mga nakaupo sa poder ang panawagang #FreeThePlant! Iparinig natin ang sigaw para sa isang lipunang pumipili ng pag-aaruga kaysa pagpaparusa, ng siyensiya kaysa stigma, at ng pagkakaisa kaysa takot. Sapagkat sa bandang huli, ang paglaya ng halaman ay bahagi lamang ng mas malaking mithiin—ang paglaya ng buong sambayanan!
Nagpapasalamat kami sa mga organisasyon na galing sa community mismo:
MedCann Philippines – MedCann Mindanao – Philippine Cannabis Legal Resource Center – CannaLegal PH – Haraya Policy Center – The Turf PH – MAMA DUBS PH – Help Educate Misinformed People – Optmst – Gulay Lang Manong – MedCann Cavite – MedCann Camarines Sur – MedCann Albay – MedCann RIZAL – MedCann Pampanga – MedCann Aurora – MedCann Batangas – Medcann Nueva Ecija – Canna Riders PH – Masaya Media
#Kapayapaan #Pagbabago #GamotAngMarijuana #Pagmamahal #Community #PatientOverPolitics #SONA2026 #FreeThePlant #MedicalCannabisNow #HarmReductionPH #HealthIsAHumanRight #PeopleMarchSONA2026