Isang rebyu ng “Gulay Lang Manong” ni Manong Pepe
Salin ni blinker
Tinatalakay ng Gulay Lang Manong ang iba’t ibang suliraning panlipunan gamit ang matalinong pagsasanib ng katatawanan, kabalintunaan, at realidad—isang timpla na sa likod ng aliw, may urgency; sa likod ng ironiya, may sistemang dapat buksan sa pagkritika.
Ang kuwento ng 105-minutong full-length na pelikula ay umikot sa isang magsasaka na si Manong Pilo (Perry Dizon); ang kanyang apo na si Ricky (BJ “Tolits” Forbes); at isang abalang lokal na pulis na si Police Officer Ariel Lacson (rising star Cedrick Juan). Tampok din sa pelikula ang iba pang interesanteng karakter tulad ni Razer (Ranzel Magpantay); at si Haring Damo (kilalang OPM singer at cannabis advocate Dong Abay.)
Pinatitingkad pa ito ng presensya ng mga personalidad tulad ni Lui Quiambao Manansala, isang tagasuporta ng medical cannabis at miyembro ng Seniors for Medcan, bilang si Senadora Vivian Delmar; at ng multi-awarded actor na si Ricky Davao. Nandiyan din ang cameo appearance mula sa loob ng komunidad tulad ni Atty. Henrie Enaje bilang newscaster ng Balitang Talima, kasama ang iba pang cast at extra. Sa kabuuan, isa itong kolaboratibong produksiyon upang iparating ang isang malinaw at malakas na mensahe para sa paglaya ng halaman.
Hinggil sa Agrikultura at Kanabis
Hindi lamang umiikot ang pelikula sa personal na kuwento ni Manong Pilo, kundi nagbubukas din ito ng mas malalawak na sugat ng lipunan mula sa iba’t ibang anggulo. Ipinapakita nito kung paanong ang mga magsasaka ang patuloy na bumubuhay sa hapag-kainan ng bayan, ngunit nananatiling nasa laylayan ng mga ganansiya; kung paanong ang batas at hustisya ay nagiging hindi patas—mabilis sa pagkulong sa maliliit, ngunit mabagal o nagpoprotekta sa may kapangyarihan; at kung paanong ang pagmamahal sa pamilya ay nagiging desperadong lakas, kahit pa kapalit nito ay kalayaan at buhay.
Sa kabuuan, isinasalaysay ng pelikula ang mga aktwal na kontradiksyon ng lipunan: war on drugs, kriminalisasyon ng mahihirap, economic sabotage, at korapsyon. Hindi ito ipinipilit bilang moral lecture—kundi natural na iniluwal sa anyo ng naratibo, mula sa mga karanasang hinugot sa totoong buhay ng mga aktwal na taong nakalapat sa lupa at nasa gilid ng sistema.
Dagdag pa rito, malinaw na sumisilip ang pelikula sa istruktura ng kawalan ng lupa bilang ugat ng maraming krisis sa kanayunan. Ang landlessness ng mga magsasaka ay hindi hiwalay na isyu kundi bahagi ng parehong mekanismo ng kontrol—kung saan ang lupa, produksyon, at kabuhayan ay patuloy na kinakamkam o kinokonsentra sa kamay ng iilan, kadalasan ay mga landlord at lokal na dinastiya ng kapangyarihan. Sa ganitong konteksto, ang sinasabing “kriminalidad” ay hindi hiwalay sa materyal na kondisyon ng kahirapan, kundi produkto ng sistemang parehong nagpapalayas sa magsasaka at nagtutulak sa kanila sa mas delikadong kabuhayan, kabilang ang mga halamang gamot gaya ng kanabis na agad idinedeklarang iligal o masama sa ilalim ng umiiral na kaayusan.
Sa mas malawak na pagbasa, nagsasama-sama ang isyu ng land grabbing, krisis sa pagkain, at kriminalisasyon bilang iisang sistema ng pagpreserba ng kapangyarihan. Habang tumataas ang presyo ng pagkain at bumibigat ang gastusin ng ordinaryong mamamayan, nananatiling nakapwesto ang mga may kontrol sa lupa at kalakalan: ang parehong mga angkan na nakikinabang sa pagpapalayas sa magsasaka at pag-igting ng market pressure gamit ang dahas ng estado.
Sa ganitong lente rin maaaring basahin ang “war on drugs” at ang paulit-ulit na lumulutang na mga ulat ng brutalidad ng pulisya, na ngayon ay mas masusing tinitingnan sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa The Hague upang litisin ang administrasyon nina Rodrigo Duterte at Bato Dela Rosa. Pahiwatig ang pelikula ng iisang istrukturang nagpapatupad ng kontrol sa pamamagitan ng takot, dahas, at selektibong hustisya—isang lohika ng pamamahala na umaabot hanggang sa kung aling mga buhay ang ginagawang kriminal, at alin ang pinapayagang manatiling normal, kahit sa diskurso ng medikal at recreational na gamit ng kanabis.
Hinggil sa Community-Driven Filmmaking
Lalo pang kamangha-mangha ang pelikula dahil sa lapit at pagiging tunay ng perspektiba nito sa mismong komunidad. Bilang isang advocate, connoisseur, consumer, user—anumang tawag dito—tiyak na makakarelate ka sa bawat eksena, bawat frame, bawat linya, bawat biswal na detalye, pati na sa mga sandaling simpleng magtitinginan ang dalawang tao at biglang tatawa nang malakas. May isang eksena sa pelikula (walang spoiler) kung saan sina Ricky at Razer ay nag-smoke at kailangang gawin ang isang partikular na gawain—isang sitwasyong pamilyar sa mga cannabis consumer, kaya mapapatawa ka dahil “Nangyari na ’to sa akin, totoo ’to.” Ipinakita ng pelikula, sa isang masinsin at lokal na paraan, ang ating kultura ng kanabis. Halatang ginawa ng production team ang kanilang takdang-aralin—makikita ang lalim ng pananaliksik at pag-unawa sa mundong inilalarawan. Ipinapakita rin nito kung gaano kalaking pagninilay at pagsisikap ang inilaan sa kabila ng isang modest na independent production. (Shoutout sa Art Director Boogs Villareal para sa mahusay na production set.) Ang direktor na si BC Amparado ay nagpakita rin ng artistikong pagkukuwento sa pamamagitan ng mga eksenang may mabibigat na mensahe.
Isa pang dahilan para panoorin ang pelikula ay ang balanced na pagkakalahad nito, mula sa pagiging magaan na stoner film hanggang sa pagharap sa mas mabibigat na usaping panlipunan, na naging isa sa mga dahilan kung bakit nakuha nito ang Cinemalaya 2024 Viewers’ Choice Award. Maituturing ang Gulay Lang Manong bilang lehitimong stoner film dahil kumpleto ito sa mga pangunahing elemento: (1) eksenang kung saan hayagang pinag-uusapan at ipinapaliwanag ng mga karakter ang batayang kaalaman tungkol sa halamang kanabis, kabilang ang kung ano ang indica at sativa; (2) mga eksenang may malalakas na psychedelic visuals na nagbibigay ng epektong visual high; at (3) mga eksenang nagpapakita ng mga karakter na nasa impluwensya ng kanabis, at iba pa.
Isa itong bagong-henerasyong stoner film dahil kahit may magaan itong katatawanan, lumalayo ito sa ideya na puro entertainment lamang—sa halip, ginagamit nito ang anyo upang magbukas ng mas malalim na pananaw sa mga problemang panlipunan na kaakibat nito.
Sa ganitong kalagayan, mas nagiging mahalaga ang pelikula bilang espasyo ng pagkilala—hindi lang sa kultura, kundi sa mismong pag-iral ng komunidad ng kanabis na napag-iiwanan sa diskurso at madalas ikriminalisa bago pa man maintindihan. Ang ganitong representasyon ay nagiging uri ng kolektibong pag-angkin: na ang mga buhay ng mga stoner ay totoo, umiiral, at may sariling naratibo at kasaysayan na hindi kayang burahin ng stigma o batas. Sa ganitong pagbasa, ang pelikula ay hindi lang obra—isa itong salamin kung saan ang underground ay hindi na itinatago, kundi unti-unting nagkakaroon ng anyo, boses, at puwang sa mas malawak na imahinasyon, at sa hinaharap ay kaganapan, ng lipunan.
Hinggil sa Medikal na Kanabis at Etika ng Pangangalaga
Isa sa mas mapangahas na linya ng Gulay Lang Manong ay ang tahimik ngunit malinaw na paglatag ng usapin ng medikal na kanabis bilang usapin ng pangangalaga sa sakit at pagharap sa katandaan. Sa loob ng naratibo, hindi ito inilalarawan bilang bisyo o simpleng aliw, kundi bilang praktikal na tugon sa karamdaman, lalo na sa konteksto ng mga ordinaryong mamamayan na walang sapat na akses sa serbisyong medikal. Sa ganitong lente, ang batas ay hindi neutral: ang pagiging “iligal” ng isang bagay ay nagiging kasangkapan ng kung sino ang may pribilehiyong gumamit nito at kung sino ang agad na pinaparusahan.
Makikita rin ang matinding kontradiksyon sa pagitan ng kapangyarihan at karaniwang mamamayan sa pagpasok ng karakter ni Senadora Vivian, na sumisimbolo sa diskursong “pinapayagan” at mas ligtas pagdating sa usapin ng kanabis sa loob ng institusyonal na espasyo. Sa kabaligtaran, ang mga tulad nina Manong Pilo at Ricky, kasama si Razer, ay nasa gilid ng sistemang ito, kung saan ang parehong halaman ay nagiging delikado hindi dahil sa anyo nito, kundi dahil sa kung sino ang humahawak.
Sa isa sa mas tahimik ngunit mabigat na tagpo ng pelikula, ipinapakita ang pagproseso ng cannabis oil—isang sandali ng pagluluto kung saan inihahanda ito upang maibsan ang kondisyon ng isang magulang. Ang eksenang ito ay naka-frame bilang gawain ng pag-asa: ang pagnanais na pagaanin ang sakit ng mahal sa buhay sa gitna ng limitadong opsyon. Dito tumitimo ang etikal na tensiyon ng pelikula—kung bakit ang paggawa ng gamot ay kailangang dumaan sa ganitong uri ng panganib?
Ang medikal na depiksyon ng kanabis sa Gulay Lang Manong ay hindi lamang simbolo ng alternatibong lunas, kundi kritika sa hindi pantay na distribusyon ng karapatan sa paggaling. Sa pagitan ng mga nasa kapangyarihan at mga nasa laylayan, ang mismong akses sa gamot ay nagiging pulitikal—kung saan ang parehong bagay ay maaaring ituring na “lehitimo” para sa nasa itaas, ngunit “bawal” para sa nasa ibaba.
Pangwakas: Mapangwasak
Ang Gulay Lang Manong ay hindi lamang umiikot sa representasyon ng kanabis o sa personal na kuwento ng mga karakter, kundi nagiging salamin ng mas malawak na usapin ng kontrol sa kultura at kaalaman. Kung ano ang itinuturing na “katanggap-tanggap” o “illicit” ay hindi natural na sumulpot, kundi produkto ng historikal na kapangyarihan, kung saan ang ilang anyo ng kabuhayan, gamot, at gawi ay pinapayagan, habang ang iba ay agad na hinuhusgahan. Sa loob ng pelikula, ang ganitong tensyon ay hindi idinidikta, kundi inilalantad sa pamamagitan ng karanasan ng mga tauhan na nakapuwesto at nagsusumikap sa laylayan ng kalupaan ngunit sinusupil ng mga aparato ng estado.
Sa antas na ito, ang pelikula ay nagiging kultural na interbensiyon—isang pagbawi sa naratibo ng mga komunidad na matagal nang isinantabi sa opisyal na diskurso. Ang mga magsasaka, cannabis advocate, pulis, pulitiko, media, atbp. karakter ay hindi hiwa-hiwalay na representasyon, kundi magkakaugnay na bahagi ng iisang sistemang panlipunan na humuhubog sa kung sino ang nagiging “ligtas” o “suspetsado.” Sa gayon, ang pelikula ay hindi lamang nagkukuwento, kundi tumatangan din sa mismong usapin ng kung sino ang may karapatang magkuwento sa loob ng pambansang imahinasyon.
Ang Gulay Lang Manong ay tiyak na sulit panoorin—hindi lang isang beses, kundi paulit-ulit. Hahamunin nito ang iyong pagtingin sa moralidad at lipunan. Binubuksan ng pelikula ang mga baluktot na pamantayang tila matagal nang nakabaon at naging “normal” na sa ating araw-araw na buhay.
Sa kabila ng stigma, maling akala, at pag-aalinlangan, mapagtatanto mong sadya nga itong—gaya ng binigkas sa pelikula mismo—Gulay Lang Manong! 🌱
