Hindi ko nakilala si Tsang Weng nang mag-isa. Ipinakilala siya sa akin sa paraang kadalasang ginagawa sa mga pinakaimportanteng pagtatagpo: sa pamamagitan ng taong alam na kung ano ang kailangan kong makita. Si Mama Dubs, ang “nanay” ko sa komunidad na ito, ang nagdala sa akin sa kanya. May mga taong ini-interview mo lang, at may mga taong kayang magpuno ng isang silid. Si Tsang Weng ay ang pangalawang uri. Nagsasalita siya gaya ng isang taong dumaan na sa pinakamahirap na karanasan at nakaligtas. Hindi siya nagsasalita nang madrama, kundi may kalmadong katiyakan na mas malakas pa sa anupaman. Maliit lang siya pero napakalaki ng presensya niya. Kapag nagsasalita siya tungkol kay Gabriel, ang bunso niyang anak, parang nagbabago ang hangin. Nararamdaman mo ito bago mo pa ito maintindihan.
Iyan ang pagkatao niya ngayon. Pero hindi doon siya nagsimula. Bago ang cannabis, bago ang adbokasiya, bago ang Medical Cannabis Party, mga pagbisita sa Senado, mga rally, at ang mga gamot na dala niya para sa ibang tao, si Tsang Weng ay isang simpleng babae na namumuhay nang simple. Umiikot lang ang mundo niya sa kanyang mga anak, sa maliit nilang negosyo, at sa maagang paggising na kinakailangan para mabuhay. Isa lang siyang ina. Sapat na iyon.
Ang bunso niya, si Gabriel, ay kakaiba mula pa noong simula. Napansin niya ang mga bagay gaya ng hindi pagtingin sa mata (eye contact), ang pananahimik kung saan dapat ay may galaw, at ang hindi pagtugon sa pangalan nito. Nang bigyan na ito ng diagnosis ng mga doktor tulad ng autism, ADHD, developmental delay, at epilepsy hindi siya nawasak. Tinanggap niya ang diagnosis at kumilos agad para rito. Ganoon siyang uri ng babae. Ang halos nakapagpabagsak sa kanya ay ang mga sumunod na nangyari.
Pinainom si Gabriel ng mga gamot na pampigil sa seizure. Noong una, sinunod ni Tsang Weng ang lahat ng utos. Nagtiwala siya sa sistema gaya ng pagtitiwala mo sa isang bagay kapag wala ka pang dahilan para magduda. Pagkatapos, pinanood niyang unti-unting mawala ang kanyang anak. Nalagas ang buhok nito. Hindi na siya kumakain. Namsimula siyang saktan ang sarili. Hindi na siya makatulog. Hindi na siya makalakad. Isang taong gulang pa lang siya noon, at ang gamot na dapat sana ay nakakatulong ay lalo pang naglalayo sa kanya sa mundo.
Pabalik-balik siya sa mga ospital. Nagtatanong siya nang paulit-ulit at naghanap ng makakasagot kung ano ang nangyayari sa anak niya. Kumatok siya sa bawat pintong inalok ng sistema, pero bawat pinto ay sarado. Wala siyang komunidad noon. Ang mga kapatid niya ay hindi alam ang gagawin dahil siya ang panganay na dapat ay may mga sagot. Ang nanay niya ay laging nagtatrabaho. Wala ang ama ni Gabriel, kaya kailangan niyang maging parehong nanay at tatay. Dinala niya ang bigat ng isang may sakit na anak habang nagtitinda sa palengke bago pa sumikat ang araw para lang may maipakain sa tatlo niyang anak.
Gigising siya ng ala-una ng madaling-araw, magtitinda hanggang tanghali, at uuwi. Pag-uwi, kailangan siya ng anak niya, tapos uulitin niya ang lahat kinabukasan. Sa pera, laging gipit. Ang bawat seizure ay nangangahulugang pagpunta sa ER, ang bawat pagpunta ay may bayad, at ang bawat bayad ay nangangahulugang may kailangang isakripisyo, gaya ng therapy o pagkain. Wala siyang luho na mag-breakdown.
Sa loob ng maraming taon, survival mode ang buhay niya. Iyong uri ng survival na nakakaubos ng pagkatao kung hahayaan mo. Pero hindi niya hinayaan. Habang ikinukwento niya ito sa akin, nagsimulang manginig ang boses niya. Hindi dahil mahina siya, kundi dahil iyon ang panginginig ng taong matagal nang nagdadala ng napakabigat na problema. Hindi siya nagdadrama; binabalikan niya lang ang nakaraan.
May luhang dumaloy sa mukha niya. Sa luhang iyon naroon ang bawat gabi na hindi siya nakatulog at bawat sandali na tinago niya ang takot niya para hindi maramdaman ni Gabriel. Hanggang ngayon, hindi niya mapigilan ang emosyon kapag naiisip ang panahong wala siyang komunidad o gamot na maasahan. Walang ina ang dapat magdala ng ganitong bigat nang mag-isa. Nahanap niya ang halaman sa pamamagitan ng matiyagang pananaliksik. Binasa niya ang lahat ng mahahanap niya sa social media at nag-message sa mga estranghero hanggang sa may pumayag na tulungan siya. Kahit wala pang komunidad, nagsimula na siyang mag-aral mag-isa. Sinusubaybayan niya ang mga seizure, dosage, at reaksyon ni Gabriel. Dahil sa pagmamahal, naging sarili siyang researcher, doktor, at gabay.
Ang babaylan, na tagapangalaga ng kaalaman sa mga halaman noon, ay hindi nawala. Nabubuhay siya sa mga babaeng tulad ni Tsang Weng na tumatanggi sa ideya na ang gamot ay kailangang galing lang sa reseta.
Nahanap din ni Tsang Weng ang gamot. Sumali siya sa mga grupo tulad ng Philippine Cannabis Compassion Society, Sensible Philippines, at MedCann. Hindi lang siya miyembro; naging haligi siya. Nahanap na niya ang mga taong katulad niya. Nagsimula nang gumana ang langis. Una, dumalang ang mga seizure. Tapos, nakatingin na sa mata si Gabriel. Nakikilala na niya ang mukha ng nanay niya, tumutugon sa mga tunog, at kalaunan ay natutong tumayo at tumakbo. Pero ang bawat seizure ay parang “reset” para kay Gabriel; maraming buwan ng buhay niya ang nawawala. Kaya pinag-aralan ni Tsang Weng ang mga dosage at maingat na binawasan ang mga pharmaceutical na gamot. Isang araw, inawitan siya ni Gabriel ng pambatang kanta. Kinakanta pa rin niya ito kapag gusto niyang sabihin na mahal niya ang nanay niya. Huminto siya habang ikinukwento ito sa akin, at sa paghinto na iyon, ramdam mo ang lahat.
Mommy Weng: Mula Pribadong Pakikibaka hanggang sa Pagiging Haligi ng Bayan
“Mommy Weng” ang tawag sa kanya ng komunidad. Unti-unti siyang naging nanay ng lahat. Maraming pamilya mula sa iba’t ibang parte ng bansa ang nag-message sa kanya sa gabi para magtanong ng mga bagay na hindi nila matanong sa kanilang mga doktor.
Hindi siya nagbibigay ng medical advice. Ibinabahagi lang niya ang karanasan niya, kasama ang mga taon na ginugol niya sa pag-aaral sa katawan ni Gabriel at sa halaman. Nagsasalita na siya sa harap ng maraming tao sa mga forum at hearing ngayon.
Dati, sobrang nahihiya siyang humarap sa tao, pero dahil sa suporta ng mga taong naniniwala sa boses niya, tumayo siya at nagkuwento para malaman ng ibang pamilya na hindi sila nag-iisa.
Ang mga pamilyang nakakaabot sa kanya ay karaniwang mahihirap lang. Kapag may sakit ang isa sa pamilya, damay ang lahat. Nakita na niya ang nagagawa ng paggamit ng halaman para sa mga pamilyang ito gaya ng nanay na sa wakas ay nakakatulog na, o ang tatay na makakabalik na sa trabaho.
Ikinukuwento ni Tsang Weng ang mga ito para patunayan kung ano ang kayang gawin ng halaman. Kumatok na siya sa bawat pinto, pati na sa Senado at Department of Health. Hindi na siya nagmamakaawa; gusto niya ng legalisasyon at ligtas na access para sa bawat pamilya.
Tumatawa siya kapag sinasabi niyang magra-rally pa rin siya kahit 80 anyos na siya, pero seryoso siya sa sinasabi niya. Si Tsang Weng ay isang kwento lang, pero kinakatawan niya ang milyon-milyong magulang na nakaranas ng sirang sistema. Ang mga komunidad na tulad nito ay nakabuo ng kaalaman na ipinapasa mula sa isang tao patungo sa isa pa, gamit ang wika ng mga totoong nakaranas nito. Iyon ang ibinigay sa akin ni Mama Dubs noong dinala niya ako kay Tsang Weng ang pang-unawa na ang komunidad na ito ay binuo hindi dahil sa ideolohiya, kundi dahil sa pangangailangan at pagmamahal.
Pagkatapos ng interview, tinuruan niya ako tungkol sa clove. Nagsalita siya nang may kagaanan ng isang taong sinubukan na ang kaalamang ito sa buhay, hindi lang sa libro. Siya ay babaeng may malalim at totoong kaalaman. Siya ay isang babaylan sa modernong panahon. Patunay siya na ang mga ninuno ay hindi nawala; nasa mga determinadong babae sila na tumangging hayaang magdusa ang kanilang mga anak habang ang sistema ay nakatingin sa iba.
Sinunod ko ang payo niya, at hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin ito.
Si Tsang Weng ay miyembro ng MEDCANN Philippines at isang grassroots patient advocate para sa medical cannabis. Patuloy na nag-i-improve ang anak niyang si Gabriel, at siya, patuloy pa rin ang laban.
